Kulangot
October 25, 2009Malusog ang kulangot kapag nanggaling ka sa isang lugar na may mayamang pundasyon ng samu’t saring mga amoy at siyempre, alikabok. At dahil sa mga ito, lalong nagiging mataba at malusog ang kulangot kapag ilang araw ka nang hindi humaharvest. Ang kulangot, parang wine, sa paglipas ng panahon, lalong sumasarap; kapag mas matagal, lalong umaalat. Pero ang ibang tao, ayaw sa alat na ito. Ang malulusog nilang kulangot, sinusungkit, binibilog, pinipitik.
Para lang yang ikaw. Pumunta ka sa isang lugar, na may iba’t ibang bagay na bago sa paningin, sa pandinig, sa panlasa, sa pang-amoy at sa pandama mo. More or less, marami kang mapipick-up dun mga bagay na ngayon mo lang natutunan o di kaya’y mga bagay na nagpapatotoo sa mga bagay na alam mo na ngayon. Sa pagtagal mo sa lugar na yun, lumalaki ang iyong kaalaman at lalo itong nagiging mayaman sa kung ano-anong shit.
Pero. Mahina ang tao. Dahil ang mga bagay na ito, bagama’t parang kulangot na naiipon lang ng karanasan, tinatapon. Mahirap para sa atin ang makita ang kahalagahan ng mga bagay, lalo pa’t hindi ito lantarang binigay sa atin; yung mga bagay na napupulot natin, itinatapon lang sa bandang huli.
Mahalaga ang lahat ng bagay na natutunan sa pang-araw-araw na karanasan. Maliit man sila kung tutuusin, malayo ang ating mararating kung ang bawat maliliit na kaalaman mula sa mga karanasan ay ating babaunin saan man tayo mapadpad. Palusugin mo ang iyong kaalaman. Tapos, kainin mo, kahit gaano pa kaalat yan, parang kulangot lang.
Add a comment


