Tanga lang talaga
March 5, 2009Minsan, may mga bagay kang ginagawa na kahit alam mo naman ang kalalabasan na kadalasa’y hindi maganda, gagawin mo pa rin. Halimbawa, alam mo namang hindi ka gusto ng crush mo, ilang ulit ka nang sinasabihan ng mga kaibigan mong mali lang ang interpretation mo sa mga “signals” na feeling mo binibigay niya, parati na lang “busy” o “hindi siya pwede” pag inaaya mong lumabas kahit wala ka pang day or time na sinasabi, at kahit anong pilit mo sadyang hindi masaya ang conversations niyong dahil panay tango o iling lang ang ibinibigay sa yo ng crush mo. Halata namang sablay ka na, ayaw mo lang aminin sa sarili mo. Pero sa ‘di maipaliwanag na kadahilanan, at sa walang kasing sablay na pagkakataon, sasabihin mo sa kanya habang katext niya yung crush niya, na gusto mo siya at handa kang isakripisyo ang inyong pagkakaibigan para lang makuha ang pagkakataon na ipakitang karapat-dapat ka sa pag-ibig niya.
Parang ako. Kanina pa ako utot nang utot. Kinakabag ata ako. Mabaho ang utot. Pero, sa bawat utot na bitiwan ng pwet ko, hindi ko maiwasang hindi langhapin ang hanging alam ko naman ay mabaho.
Ganun lang siguro talaga ang buhay. Kahit may ideya ka na ng kung anong posibleng mangyari, lalaban ka pa rin at papatunayang mali ang inakala mo o ‘di kaya’y tama ang hinala. Pano mo nga naman malalaman kung hindi susubukan di ba?
At kung sa pag-amin mong iyan, magbago ang pagtingin ng crushable mo at maisipang patulan ka dahil nacute-an siya sa mga sinabi mo, success. Tama kang hindi ka dapat nagpapaapekto sa sinasabi ng iba at ang mga akalang likha ng duwag na nilalang sa loob ng iyong katauhan.
Ako, hinihintay ko pa yung utot ko na amoy sampaguita.


