Minsan sa loob ng iyong van
January 20, 2009Pumikit ako kunwari noong isang hininga na lang
ang ating pagitan, sa loob ng iyong van
noong iyong maisipan, sa wakas, na ako’y hagkan.
Mabagal ka, marahil pinakamabagal sa lahat
Na hindi naman masama.
Ginulat mo ako.
Ramdam ko ang lamig ng iyong kamay
Noong tinanganan mo ang akin.
Sa iyong mga mata, at ‘wag mong ipagkaila,
Pagdadalawang-isip. Pag-aalinlangan.
Dumating kang langit
Na nanginginig ang iyong labi.
Mahinhin kang ngumiti
Pagkatapos mong makamit ang iyong pakay.
“Ikaw ang una kong halik,”
Bulong mo sa akin na narinig ng driver mong nakangisi
Sa harapan, sabay namula ang iyong mga pisngi.
Bukas, ikwekwento mo sa akin
Na ‘di ka naabutan ng antok noong gabing iyon
Dahil kahit anong habol nito sa iyo’y
Tumatakbo ang iyong isipan patungo sa sandaling
Nagkrus ang ating mga labi.
At habang walang humpay ka sa pagtakbo,
Ako’y nasa aking kama’t nakatulog na lang
Sa kaiisip kung kailan nga ba naganap
Ang aking unang halik.


